Kilalanin natin si Jepoy. Labing-isang taong gulang at pangalawa sa apat na magkakapatid. Masayahing bata, masipag at parating katulong ng kanyang tatay sa pagbebenta ng mga kakanin. Maliban sa kakanin, gumagawa rin siya at ang kanyang nanay ng yema at graham balls. Araw-araw, pagkatapos ng kanyang klase, tumutulong si Jepoy sa pagbebenta para may pambaon siya sa eskwelahan kinabukasan.
“Andito na po ako, Nanay!” pagbati ni Jepoy sa kanyang nanay pagkatapos abutin ang kamay nito para magmano.
“Kaawaan ka ng Diyos, anak. Kumain ka na ba?” tanong ng nanay kay Jepoy.
“Hindi pa po, Nanay. Ito nga po pala yung pinagbentahan ko ng yema at graham balls.” , ibinigay ni Jepoy sa kanyan ang nakarolyong tatlong daang piso.
“Nay, ubos po ang tatlong pakete ng yema at apat na lagayan ng graham balls. Nag-alok at nag-ikot po ako noong recess para makaubos po ako.” Pagkukwento ni Jepoy sa nanay.
“Talaga, anak? Hindi ka ba pinagalitan ng titser mo?”, may galak na pagtatanong ng nanay ni Jepoy.
“Hindi naman po. Nagpaalam mo ako kay Bb. Ruiz. Ang sabi ko po kasi kailangan ko pong tumulong sa inyo ni tatay para may pambaon po ako. Pumayag naman po siya. Binibigyan ko nga po siya ng libreng yema. Hindi po niya tinanggap ng libre. Binayaran niya po ako ng trenta pesos.” sagot ni Jepoy sa nanay.
Hinaplos ng nanay ang ulo ni Jepoy. Niyakap siya at hinalikan sa noo.
“O siya anak. Ipinagtabi kita ng galunggong doon sa may tauban ng pinggan. Magbihis ka na muna at pagkatapos mananghalian ka na.” utos ng nanay kay Jepoy.
“Opo, Nanay!” sagot ni Jepoy sa nanay pagkatapos humalik sa pisngi nito.
Malambing na at maalalahanin rin si Jepoy. Kinagigiliwan siya ng kanyang mga magulang at kapatid. Sa murang edad, natuto siyang magbenta upang makatulong sa kanyang Tatay Nanding na paralisado ang kaliwang bahagi ng katawan matapos na igupo ng sakit na stroke. Nag-aalaga naman ng kanyang nakababatang kapatid ang kanyang nanay.
“Kuya Lodi!” sigaw ni Jared kay Jepoy.
“O, Jared! Hindi ka ba naging pasaway sa klase kanina?”, tanong ni Jepoy sa kapatid.
“Hindi, Kuya Lodi! Sumasagot nga ako kanina sa mga tanong ni G. Esteban. Ako nga ang pinakamataas sa eksam namin kanina.”, pagmamalaki ni Jared sa kanyang Kuya Jepoy.
“Ayos! Ikasa mo!”, masayang sagot ni Jepoy kay Jared habang pinag-uumpog nila ang kanilang mga kamao. Matanda si Jepoy ng tatlong taon kay Jared.
“Kuya Lodi, sabi pala ni tatay wag ka na raw sumunod sa puwesto. Kasama niya ngayon si Ate Anya dahil half-day lang sila sa eskwela ngayon.”, sabi ni Jared sa kanyang Kuya Jepoy.
“O sige, Jared. Kakain lang ako tapos samahan mo akong mamulot ng mga lumang tsinelas at goma ha.”, hiling ni Jepoy sa nakababatang kapatid.
“Oo ba, Kuya Lodi! Ihahanda ko na yung mga sako natin.”, tugon ni Jared.
Pagkatapos mananghalian ni Jepoy, kinuha niya ang kanilang sumbrero. Nagpaalam siya sa kanilang nanay na mamumulot sila ng mga lumang tsinelas at goma. Pumayag naman ang kanilang nanay at pinag-ingat sila.
“Kuya, ano bang balak mong gawin ngayon?”, tanong ni Jared habang sila ay naglalakad.
“Gagawa ako ng trak ng bumbero, robot at kotseng kuba.”, sagot ni Jepoy.
“Wow, Kuya Lodi! Hanep ka talaga! Tara, maghanap na tayo.”, buong giliw na sagot ni Jared.
Maliban sa pagtulong sa pagbebenta ng kakanin, yema, at graham balls, mahilig gumawa si Jepoy ng mga laruan mula sa lumang tsinelas, goma, at iba’t-iba pang materyales gaya ng ting-ting, lumang karton, retasong tela, at dyaryo. Ibinebenta niya ito para magkaroon pa sila ng pambili ng gamot ng kanyang Tatay Nanding. Ginagamit niya ang kanyang pagkamalikhain para bumuo ng iba’t-ibang obra.
Sa loob ng isang linggo nakabuo si Jepoy ng limang laruan. Nakagawa siya ng trak ng bumbero, mobil ng pulis, isang robot na Iron Man, dragon, at kotseng kuba. Patuloy din siya sa pagbebenta ng yema at graham balls. Hali-halili sila nila Anya at Jared sa pagtulong sa kanilang tatay sa pagbebenta ng kakanin. Tuwing Sabado at Linggo, inilalako niya ang kanyang mga likhang laruan.
“Anak, hindi mo ba napapabayaan ang iyong pag-aaral?”, tanong ni Tatay Nanding kay Jepoy.
“Hindi po, tatay. Matataas pa rin po ang aking mga marka sa mga eksam.”, tugon ni Jepoy.
“Malapit ka na magdiwang ng kaarawan. Anong gusto mo?”, tanong muli ng tatay.
“Ang gusto ko lang po tatay, maibenta ko po lahat ng laruang ginawa ko para makabili na po tayo ng gamot niyo.”, determinadong sagot ni Jepoy.
“Anak, ayos lang ako. Huwag mo akong alalahanin.” , pag-aalo ng tatay kay Jepoy.
“Ang hiling ko lang po tatay sa kaarawan ko ay makita ko po kayong maginhawa at ayos mula sa sakit na iniinda ninyo.”, mahinang sagot ni Jepoy sa tatay.
“Salamat, anak.”, tugon ng tatay kay Jepoy at sabay na inakbayan ang balikot nito.
Pagsapit ng Sabado, maagang gumising si Jepoy para maglako ng kakanin, yema at graham balls. Pagdating ng hapon, ilalako na niya ang kanyang likhang laruan. Masayang-masaya siya dahil nakaubos siya ng isang bilaong bibingka, 20 pakete ng yema, at 12 lagayan ng graham balls noong umaga. Malapit na niyang malikom ang pambili ng gamot ng kanyang tatay. Dakong alas kuwatro ng hapon, pumunta na siya sa harapan ng parke dahil doon ay may mga tolda ng tiangge.
“Ang pulido naman ng pagkakagawa dito sa dragon. Magkano ito iho?”, tanong ng ginang.
“Salamat po. 150 ko po yan ibinibenta.”, sagot ni Jepoy.
“O heto ang 200. Huwag mo na akong suklian. Siguradong matutuwa ang anak ko dito.”, sabi ni ginang.
“Magkano sa Iron Man na robot at sa mobil ng pulis?”, tanong ng isang mamang may hawak na batang lalaki.
“150 po para sa Iron Man at 50 naman po para sa mobil ng pulis.”, sagot ni Jepoy.
“Ikaw ba ang may gawa nito?”, tanong ng muli ng mama.
“Opo, ako po. Gawa po mula sa pulang retasong guma ang Iron Man na robot. Sa lumang karton at lumang tsinelas naman po gawa ang mobil ng pulis.”, pagpapaliwanag ni Jepoy.
“Ang galing naman ng kamay mo, toy. O eto ang 200.”, paghanga ng mama.
“Maraming salamat po, Kuya!” sagot ni Jepoy nang nakangiti.
Inibot ng mama sa anak ang binilang laruan. Tuwang-tuwa ito at pinaglaruan ang robot.
“Malapit ko na mabuo ang pambili ng gamot ng tatay! Ayos!”, pagbubunyi ni Jepoy.
Upang mabilis na maibenta ang natitirang laruan, nag-ikot si Jepoy sa parke. Inalok niya nang buong giliw ang mga taong nasasalubong.
“Ate at Kuya. Bili na po kayo ng laruan. Magandang-maganda po ito na pasalubong sa mga anak o kapatid ninyo. Gawang kamay kaya subok na matibay!”, pag-aalok ni Jepoy.
Manghang-mangha ang mga nasasalubong ni Jepoy sa kanyang mga obra. Nakaibenta niya ang trak ng bumbero at kotseng kuba sa halagang 100 at 50. Natuwa ang binatang pinagbentahan ni Jepoy sa kanyang abilidad at sa pagkakadetalyado ng mga obra. Binigyan siya nito ng isang libo.
“Naku, Kuya. Wala po akong panukli. Baka po may barya ka lang.”, sambit ni Jepoy.
“Sayo na yan. Salamat dito sa laruan!”, sagot ng binata.
“Kuya, malaking tulong po ito! Mabibili ko na po ang gamot ng tatay ko. Salamat po talaga!”, masayang tugon ni Jepoy.
Nang maibenta ang lahat ng kanyang gawang laruan, pumunta si Jepoy sa botika upang bilhin ang gamot ng kanyang tatay. Dahil sobra ang kanyang pera, bumili na rin siya ng gatas para sa kapatid na si Kael. Galak na galak si Jepoy dahil bukod sa gamot ng tatay, nakabili pa siya ng gatas para sa bunsong kapatid.
“Nanay, Tatay! Nabili ko na po yung gamot. Ubos po lahat ng laruan ko! May gatas pa po si Kael!”, sigaw ni Jepoy habang nananakbo papasok ng kanilang bahay.
“Maligayang Kaarawan, Jepoy!” salubong ng kanyang pamilya. Laking gulat ni Jepoy nang makitang may hawak na keyk ang kanyang Ate Anya at may nakalagay na pancit sa mesa.
Mangiyak-iyak si Jepoy nang mabasa niya ang nakasulat sa kanyang keyk:
Maligayang Kaarawan sa aming Kuya Idol!
Nagmamahal,
Tatay, Nanay, Ate Anya, Jared, at Kael
“Salamat po, Tatay, Nanay, Ate Anya, Jared at Baby Kael.”, umiiyak na sambit ni Jepoy.
“Salamat anak sa lahat ng pagsisikap at pagtulong sa ating pamilya kahit bata ka pa. Mahal na
mahal ka namin.”, sambit ng nanay habang niyayapos si Jepoy.
“Ipinagmamalaki kita, anak!”, sambit ng tatay habang hinahaplos ang ulo nito.
Masaya nilang pinagsaluhan ang munting handa para sa kanilang Kuya Idol na si Jepoy.
*Ang kwentong pambatang ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 9.